Ilang mga cleaner sa QLD nangangamba na mahawa sa bagong strain ng COVID-19

Office cleaners

Office building cleaners Source: AAP Image

Ilang mga Filipino cleaner nangangamba na mahawa sa bagong strain ng COVID-19, matapos magpositibo sa sakit ang isang cleaner sa Brisbane.


Noong nakaraang Huwebes, nagpositibo sa bago at mas matinding variant ng COVID-19 ang isang babaeng cleaner na nagtatrabaho sa quarantine hotel.

Dahilan kung bakit nagdesisyon si Queensland Premier Anastascia Palaszcuk na ipasailalim sa lockdown ang Brisbane, Logan, Ipswich, Moreton at Redlands.

Agad na isinailalim sa lockdown ang hotel, at sumailalim din sa swab test ang lahat ng empleyado at pitumput siyam na mga taong nakasalamuha nito.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang mga otoridad dahil may limang araw na gumala ang babae sa siyudad.

Dahil sa balitang iyon, hindi tuloy maiwasan na Janice na mangamba, may tatlong buwan na siyang nagtatrabaho bilang cleaner sa isang hotel dito sa Cairns.

Sa kanyang trabaho, kailangan niyang palitan ang mga kobre kama, mga punda, kasama ang paglilinis ng toilet at pagtatapon ng basura at marami pang iba.

Hindi iisang kwarto ang kanyang kailangan linisin araw-araw minsan umaabot ng 7 hanggang 10 depende sa dami ng bisita.

Alam niyang hindi malayo na mahawa siya lalo na kung nakapasok na naman sa estado ang COVID-19  at ang panibagong variant ng COVID-19 na sinasabing mas mapaminsala.

Natatakot siya para sa kaligtasan ng kanyang anim na buwang gulang na sanggol at partner na may edad na.

Tanging inaasahan niyang magliligtas sa kanya ang sanitizer, alcohol, sabon at tubig na kanyang gagamitin pagkatapos ng kanyang trabaho.

Para sa kanya, hindi sapat ang $25 na sweldo kada oras, kung buhay naman ng kanyang pamilya ang mawawala. Pero sa ngayon ay wala daw siyang magagawa kundi ang magdasal at todo pag iingat.

 


Share