Alternatibong trabaho, pinasok na rin ng mga Pinoy dahil sa lockdown

filipinos looking for alternative jobs during coronavirus lockdown

Source: Pexels

Ilang Pinoy na naipit sa sunod-sunod na lockdown sa Australia ang dumiskarte ng bagong trabaho para kumita.


Highlights
  • Dahil nawalan ng trabaho ngayong may pandemya, kanya-kanyang diskarte ang mga Pinoy para lamang kumita.
  • Ang dating enhinyero mula Sydney, sinubukang maging delivery boy
  • Ang turistang sana ay magbabakasyon lamang ay napilitang mag-aral sa halip na umuwi ng Pilipinas
Isang linggong bakasyon lamang sana ang nakaplanong gawin ng 22 anyos na si Stephanie Ramos. Mula sa Sydney lumipad siya patungo ng Brisbane para dalawin ang kapapanganak lamang niyang ate Abril ng nakaraang taon. Excited dahil sa unang pagkakataon isa na siyang tita.

Nagtatrabaho siya sa Sydney bilang personal care worker sa isang aged care facility.

Nakahanda na ang kanyang bagahe, pero inanunsyo ang lockdown sa iba't-ibang estado. Walang siyang nagawa kundi ang maghintay. Pero umabot na ng isang linggo, isang buwan at dumaan pa ang maraming araw, hindi na siya nakauwi sa Sydney.


Kaya nagdesisyon siya na maghanap na ng trabaho dito sa Queensland. Dahil maganda ang kanyang record sa trabaho at kwalipikado, madali siyang nakahanap ng mapapasukan.

Hindi naman daw siya nagsisi sa kanyang naging desisyon. Ang mahalaga, nasuportahan niya ang kanyang sarili. Hindi lang din kasi bagong trabaho ang kanyang nakita kundi pag-ibig, isang kitchen hand crew ang kanyang nakilala at naging kasintahan kalaunan. Kaya ngayon mukhang mahihirapan na siyang bumalik ng Sydney.

Ilan lamang si Stephanie sa mga Pinoy na naipit sa sunod-sunod na lockdown sa Australia. Mahirap umuwi bukod sa sasailaim sa ilang araw na quarantine sa hotel kung saan gastos din isa-swab test kapa rin bago tuluyang pakawalan.

Kaya naman ang mga Pinoy kaysa magmukmok, ay naghanap na ng alternatibong trabaho, sayang kasi ang panahon at ang oras.

Dating engineer, ngayon ay delivery boy

Tulad rin ni Edward na isang enhinyero mula din sa Sydney pinasok na rin ang pagiging delivery boy sa isang fast food chain dito sa Mackay. Hindi kotse, hindi rin motorskilo ang kanyang gamit sa pag-dedeliver kung isang lumang bisekleta na binili niya  sa halagang $5. $24 isang oras ang kanyang kinikita.

Dating mekaniko, ngayon ay traffic controller na

Ganun din si Mang Adolfo na isang retiradong mekaniko mula sa Melbourne. Sa halip na araw-araw makipag- inuman sa kanyang mga kumpare dito sa Cairns minabuting mag-aral bilang isang traffic controller. Sino makapag sasabi na malaki pala ang sweldo isang traffic controller. Nasa $29 kada oras ang sweldo nito ung tipong taga hawak ka lang ng traffic sign na stop, slow, and go.

Mula turista, naging estudyante

Habang si Meriam Cuevas nag turista. Enero ng nakaraang taon, kasagsagan ng pagkalat noon ng COVID-19, sa Pilipinas at Australia. Dahil binigyan lamang siya ng immigration ng isang taong pananatili dito, sumugal siya. Nakita kasi niya na mas lalong walang  mangyayari sa kanyang buhay sa Pilipinas dahil walang trabaho duon. Naglakas-loob na mag-enroll. Cookery ang kanyang napili.

Nasa $30,000 ang tuition fee. Magastos pero ayon sa kanya, gagawin niya ng lahat para makatapos at matustusan ang kanyang pag-aaral. Target niya na makahanap ng trabaho at ng kumpanyang magbibigay sa kanya ng sponsorship para magkaroon siya ng visa.

Sila ay ilan lamang sa mga Pinoy na gagawin ang lahat para paunlarin ang buhay, at matulungan ang pamilya. Mga Pinoy na likas na masipag at madiskarte kahit saan man larangan ipirme.

PAKINGGAN DIN


 

 

 

 


Share