Pagsasamantala sa mga manggagawa ng isang welding company sa Brisbane, isiniwalat ng mga Pilipinong welder

alleged exploitation of Filipino welders migrant workers in Brisbane

welder representation photo Source: Pexels

Iniimbestigahan ngayon ng Fairwork Ombudsman ang alegasyon ng ilang manggagawang Pinoy na ine-exploit umano ng isang negosyante sa Brisbane.


Iisang grupo ng mga Pilipinong welders ang na-sponsoran gamit ang 457 visa ng kumpanyang Hitec Welding noong 2013 at 2014, ayon sa ulat ng Brisbane Times. 

Ayon sa grupo, sa loob ng higit anim na taon ay pinagtatrabaho sila ng may-ari ng kumpanya na si Jozef Lewandowski sa kanyang mga mansyon sa South East Brisbane at Cleveland  tuwing weekend.

Ginawang hardinero, tagalinis ng bahay, mga mamahaling kotse at yate ang mga manggangawa na umano’y walang sweldo at tanging ang libreng matutuluyan na mga kwarto ang kapalit.

Pero siksikan umano ang nasa 16 na trabahador sa tatlong kawarto kaya sa sahig na natutulog ang iba.

Dahil umaasang mabibigyan ng permanent residency visa na ipinangako ng kanilang amo, tiniis ng mga ito ang dagdag na trabaho.

Wala rin daw silang gaanong alam sa mga patakaran at batas na umiiral na nalalabag na ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Naka-ban ng limang taon mula 2016 ang Hitec Welding sa pag-sponsor ng 457 visa.

Sa panayam kay Phil Cabudlan, isa sa mga Pinoy welders, ang kanilang mga dokumento ay prinoseso sa tulong ng Tali engineering,  isa pang kumpanyang katuwang ng Hitec para saluhin ang sponsorship at pagpapasweldo.

Tinututukan ng Fairwork Ombudsman ang imbestigasyon sa dalawang kumpanya.

Umaasa naman ang mga Pinoy welders na maaksyunan at mabibigyang hustisya ang kanilang sinapit.


Share